COLORING BOOK
sa pagbuklat ng bawat pahina
pawang mg guhit ng itim na tinta
mga larawang kapos sa kulay
balintuna at walang buhay
sa pagbuklat ng bawat pahina
sila ang humuhusga
sa bawat timplang lumalapat
at paunti-unting pagkalat
sa pagbuklat ng bawat pahina
larawa'y tila nag-iiba
sa pagpahid ng bawat pinta
na desisyon ng mga humusga
sa pagbuklat ng bawat pahina
anu pa man
nananatili
mga guhit ng itim na tinta
(0)comments.criticisms.violent reactions
SARAO
mahirap talaga ang naiipit
kung mainit pa, tiyak na malas
ang halu-halong anghit at amoy ng pawis
lalasunin ka at hihiluhin sa dyip
ganyan talaga ang lagay kapag trapik
sardinas ang mga behikulo sa daan
ang lahat namamatay sa pagkainip
kulang na lang ay maglakad pauwi
parang biyaheng langit
maraming nagmamadali
tila isang magulong pila
sadyang di ka makakasingit
maraming nagiiba ng ruta o ng daan
napapashortcut at biglaang napapaliko
wala ng pakialam kung tama pa ang patutunguhan
basta sa trapik ay makatakas lang
kung sadyang malas
at nanatiling ipit
pagpasensyahan nalang
tanging magagawa'y maghintay at magtimpi
(0)comments.criticisms.violent reactions
[untitled]
ganyan ang buhay ko ngaun
tila isang nakawiwiling sayaw
ngunit mahirap aralin
mahirap pinuhin ang bawat galaw
ang buo mong akala
tila alam ko ang aking ginagawa
ngunit tanging katotohanan lamang
tila ako batang pariwara
hangaring maiindak ng may katinuan
ngunit lubha lamang pumapalpak
nagkandadapa-dapa, nagkapatidpatid
hanggang sa biglang lalagapak
tulad ng sayaw ng isang baliw
di man matino at walang sinusunod
at di sigurado kung paano hihinto
para sa kanya,taglay nito'y ligayang ubod
(0)comments.criticisms.violent reactions
ANINO
Sa kaibuturan ng kadiliman
Ako'y nagluluksa
Tangan ang kandilang
Niliyaban ng kasalanan
Walang nagawa
Sa pagiwas
Kumakaripas
Tumatakas
Hinahabol ng mga maskara
Mga mukhang makulay
Ngunit pawang ipininta
Mga huwad at walang kasing huwad
Mga mapagkunwari
Pawang balat kayo
Na hayok sa paghusga
Pagwasak
Pagdurog
Pagsira
Ng mga kaluluwang tunay na malaya
At sa alingawngaw ng kanilang mga yabag
Nabibingi sa mga bulong
Na unti-unting sumisigaw
Nanghahatak
Mga boses
Mga salita
Na pilit pumipigil sa bawat pag-apak
Bumabagal sa pagtakbo
At biglang nadadapa
Sa pagkakalugmok sa abo
At sa paglapit ng mga mukha
Nanliliit
Nababaon
Nanlalabong muli ang destinasyon
Ang mga mukhang makulay
Ngayon ay nakatitig
Habang naglalaho
Ang bawat hininga
Ng kinawawang pagkatao
Ngunit bago pa malagutan
Sa ilalim ng kanilang kalupitan
Kailangang umahon
Hanapin ang lakas
Maghiganti at mag-alab
At lumitaw ang ningas
Na bumulag sa mga maskara
Muling tumayo
Tumakbo
Naglalakbay sa dilim
Ngayon ang katauhan
Ninakawan ng kabalintunaan
Nais pagkaitan ng kalayaan
Sinusundan
Hinahabol
Mga nilalang na nagmamaktol
Makulay mang maituturing
Ngunit tunaw na ang mga maskara
Pero hindi nagpapasupil
Nagpatuloy sa pagtahak
Upang ako'y hagilapin
Wala akong inalintana
Sa pagsuyod sa dilim
Kundi ang aking panaghoy
Mula sa pilit na litid
Naghahanap
Naghihintay
Hinahabol
Tumatakas
Habang ang ningas
Sa kadilima'y nag-aaliwalas
Ngunit sila din ay may katapusan
Sa tanging magliligtas
Upang ang mga kulay ng mukha
Ay tuluyang malunod at mabura
Sa pusod ng karimlan
At doon
Doon kung saan walang wakas
Wala ng magniningas
At ang mga tulad nila'y kakalimutan
At ang mga tulad ko'y doon mananatili
Mananahimik
Hindi na muling matatakot
Hindi na magpapabuso
Sa ilalim ng kapangyarihan ng nagiisang anino
(0)comments.criticisms.violent reactions
BRIP
isang umaga.
sa isang mataong lansangan sa kamaynilaan.
isang lalaki.
artistahin ang hubog ng mukha.
maputi.makinis.
maginoo.
kung titignan.
nagpalaboylaboy sa lansangan.
tila may hinahanap.
may inaasam.
lahat ng mata.
titig sa kanya.
sa kanyang anyong taas noo.
ngunit hubo.
kahubarang naglantad ng kanyang kakulangan.
salat sa laman.
balat na itinagpi na lamang sa kanyang mga buto.
naglalakad.
palingonlingon.
napahinto sa isang munting sarisari store.
nagtanong.
nadismaya.
tumakbo at nadapa sa isang tiangge.
pumasok ng walang kahiya-hiya.
nagtanong.
natuwa.
nagtatalon at umuwi.
tangan ang isang plastik.
narating ang magarang tahanan.
binuksan ang supot.
hawak ang munting puting saplot.
sinukat.
pinaglaruan.
napaisip.
hindi ito ang kanyang kailangan.
mali.
iba.
iba.
(0)comments.criticisms.violent reactions
[untitled]
Minsan nang naging makulay ang mundo ko
Oo, Di maipagkakailang ang mga kulay
Ang nagbigay sa akin ng saya
Tila ligayang panghabang buhay
Unti unting nagbibigay ng kulay
Sa aking dating maitim na pagkatao
Tuluyang naging makulay ang aking mundo
Hindi rin nagtagal ay aking natutunan
Na kulayan ang buhay ng iba
Sila din ay tulad ko
Tulad nila
At tulad ng iba pa
Ngunit bakit bigla na lamang nagbago
Sa aking munting mundo
Na noon ay puno ng kulay
Lumabo na at kumupas
Ang mga kulay na minsan
Ay ipininta sa aking mundo
Didilim at didilim
Hanggang sa ang mundo ko
Ay nagmistulang abo
At marahil iyon na ang katapusan
Ng minsang pagiging makulay
Ng aking mundo
Ngunit sapat na iyon
Na minsang nagpaligaya
Dahil sa kulay na hatid ko
(0)comments.criticisms.violent reactions
KAILAN
Kailan kaya ako magiging maligaya?
Kung kailan sumuko na ang araw?
Kung kailan lahat ay balot na ng dilim?
Kung kailan ang huni ng ibon ay paos na?
Kung kailan nangingitim na ang mga agos?
Kung kailan tigang na ang lupa?
Kung kailan naglaho na ang samyo ng hangin?
Kung kailan isa na akong bingi?
Kung kailan putol na ang aking litid?
Kung kailan wala na akong masilayan?
Kung kailan isa na akong tuod?
Kung kailan wala na ako...
At ikaw ay maligaya na?
Kailan kaya?
Kailan ba?
Kailan pa?
(0)comments.criticisms.violent reactions
ESKAPO
magulo, maingay, marungis
isang mundong tunay na mapang-api
walang patumanggang dumudurog at kumikitil
sa mga mahinang nilalang tulad ko
ako na walang ginawa kundi magtago
itinatago sa likod ng nakangiting maskara
ang bawat paghihirap, sugat, at panggigipuspos
nagbabalat-kayo at nagkukunwari
ngunit hindi magtatagal ang maskara
unti-unting lalabas at makikita ang lamat
at akong isang talunan at mahina
tanging magagawa'y umiwas, tumakbo...
tumakas
(0)comments.criticisms.violent reactions
BAGOT
Tila tuod na nabubulok
Habang antok ang bumabalot
Sa nababatong sarili
Na unti-unti'y inagiw
Pinuno ng alikabok
Sa bawat pagdampi ng hangin
At nilunod ng daluyong
Sa isipang walang laman
Nagnanais...ngunit hindi makagalaw
Dahil sa tuluyang pagkakapako
Nagpipilit...ngunit walang magawa
Walang kahahantungan
Mahabang paghihintay
Tila isang tuod
Tila isang bato
Nakakabagot
(0)comments.criticisms.violent reactions