ANINO
Sa kaibuturan ng kadiliman
Ako'y nagluluksa
Tangan ang kandilang
Niliyaban ng kasalanan
Walang nagawa
Sa pagiwas
Kumakaripas
Tumatakas
Hinahabol ng mga maskara
Mga mukhang makulay
Ngunit pawang ipininta
Mga huwad at walang kasing huwad
Mga mapagkunwari
Pawang balat kayo
Na hayok sa paghusga
Pagwasak
Pagdurog
Pagsira
Ng mga kaluluwang tunay na malaya
At sa alingawngaw ng kanilang mga yabag
Nabibingi sa mga bulong
Na unti-unting sumisigaw
Nanghahatak
Mga boses
Mga salita
Na pilit pumipigil sa bawat pag-apak
Bumabagal sa pagtakbo
At biglang nadadapa
Sa pagkakalugmok sa abo
At sa paglapit ng mga mukha
Nanliliit
Nababaon
Nanlalabong muli ang destinasyon
Ang mga mukhang makulay
Ngayon ay nakatitig
Habang naglalaho
Ang bawat hininga
Ng kinawawang pagkatao
Ngunit bago pa malagutan
Sa ilalim ng kanilang kalupitan
Kailangang umahon
Hanapin ang lakas
Maghiganti at mag-alab
At lumitaw ang ningas
Na bumulag sa mga maskara
Muling tumayo
Tumakbo
Naglalakbay sa dilim
Ngayon ang katauhan
Ninakawan ng kabalintunaan
Nais pagkaitan ng kalayaan
Sinusundan
Hinahabol
Mga nilalang na nagmamaktol
Makulay mang maituturing
Ngunit tunaw na ang mga maskara
Pero hindi nagpapasupil
Nagpatuloy sa pagtahak
Upang ako'y hagilapin
Wala akong inalintana
Sa pagsuyod sa dilim
Kundi ang aking panaghoy
Mula sa pilit na litid
Naghahanap
Naghihintay
Hinahabol
Tumatakas
Habang ang ningas
Sa kadilima'y nag-aaliwalas
Ngunit sila din ay may katapusan
Sa tanging magliligtas
Upang ang mga kulay ng mukha
Ay tuluyang malunod at mabura
Sa pusod ng karimlan
At doon
Doon kung saan walang wakas
Wala ng magniningas
At ang mga tulad nila'y kakalimutan
At ang mga tulad ko'y doon mananatili
Mananahimik
Hindi na muling matatakot
Hindi na magpapabuso
Sa ilalim ng kapangyarihan ng nagiisang anino